Ang middle name ng isang tao sa kanyang birth certificate ay dapat na nakatugma sa maiden last name ng kanyang ina. Ito ang magpapatunay ng kanilang relasyon bilang mag-ina at basehan ng kanyang lineage o angkan. Kapag mali ang nakasulat na middle name sa birth certificate ng isang tao, maaari siyang magkaroon ng problema sa kanyang mga importanteng transactions katulad ng pag kuha ng passport, pag bukas ng bank accounts, pag apply ng visa papuntang ibang bansa, at iba pa.
Mali ang middle name sa birth certificate kung:
- Ang mother’s maiden last name ay tama ngunit iba ang naka sulat na middle name ng anak (na siyang may-ari ng birth certificate).
- Mali ang maiden last name ng nanay na nakasulat sa birth certificate ng anak (na siyang may-ari ng birth certificate).
Ang ganitong inconsistencies sa birth certificate ay itinuturing na error at maaaring maging dahilan para hindi tanggapin ang birth certificate bilang proof of identity ng isang tao. Maaari itong itama sa pamamagitan ng Petition for Correction of Clerical Error sa ilalim ng RA 9048.
Sino ang maaaring mag file ng correction:
- Ang may-ari ng birth certificate (kung siya ay nasa legal age na) o ang kanyang authorized representative.
- Asawa ng may-ari, o mga anak niya na nasa legal age, magulang, mga kapatid, lolo at lola, at legal guardian.
Saan dapat mag file ng petition for correction:
- Kung ang may-ari ng birth certificate ay ipinanganak sa Pilipinas, maaari siyang mag file ng petition for correction sa Local Civil Registry Office (LCR) kung saan naka rehistro ang birth certificate.
- Kung ang may-ari ay hindi na nakatira sa lugar kung saan siya ipinanganak o kung saan naka rehistro ang kanyang birth certificate, maaari siyang mag file sa LCR sa city o municipal hall ng bayan kung saan siya kasalukuyang nakatira.
- Kung ang may-ari ng birth certificate ay ipinanganak sa ibang bansa, maaaring i-file ang petition for correction sa Philippine Consulate Office kung saan naka-report ang kanyang birth certificate.
Mga documentary requirements:
- Certified photocopy ng birth record na mali ang entry sa middle name field.
- Dalawa o higit pang private or public documents na maaaring gawing reference ng tamang middle name ng birth certificate owner gaya ng:
- Baptismal certificate
- Voter’s affidavit
- Employment records
- GSIS/SSS records
- Medical records
- Business records
- Driver’s license
- Insurance policies
- Land titles, Certificate of Land Transfer
- Bank passbook
- NBI/Police Clearance
- Civil Registry Records of Ascendants
- Notice/Certificate of Posting
- Payment of fees
- Iba pang documents na maaaring hanapin ng LCR.
Sa tuwing may transaction sa munisipyo o city hall, iwasang mag inquire o kunin ang serbisyo ng mga fixers. Kapag magbabayad ng fees, sa city hall or municipal hall cashier lamang magbayad at humingi ng official receipt.
Para sa iba pang katanungan tungkol sa birth certificate corrections, puntahan lamang ang iba pang mga blogs sa ilalim ng Problems with NSO Birth Certificates category.
Reference:
Philippine Statistics Authority
.