Online Scam

Ang mga balitang hindi gaanong magaganda ay karaniwan na nating naririnig o nakikita sa TV, radio, at sa internet. Madalas na balita ang holdup, nadukutan, nabudol-budol (panlilinlang), at kung ano-ano pa. Nagsisilbing warning ang mga ito sa mga hindi pa nakararanas; ikinu-kwento sa mga kaibigan at kapamilya para mabigyan din sila ng babala.

Ngunit minsan, gaano man ang gawin mong pag-iingat, mangyayari at mangyayari sa iyo ang mga bagay na pilit mo sanang iniiwasan. Minsan dahil sa sobrang pagtitiwala o dahil sa pagmamadali at kapabayaan.

Ganyan ang karanasan ng kaibigan kong si Manny nang mag tiwala siya sa isang nagpakilalang serbisyo na makakapag-bigay sa kanya ng kopya ng kanyang NSO Birth Certificate (NSO pa noon, PSA Birth Certificate na ngayon. Ang PSA ay ang Philippine Statistics Authority).

Papalapit na ang Pasko noon at gusto sanang dalhin ni Manny sa Hong Kong Disneyland ang kanyang mga anak. Kailangan niyang makakuha ng kopya ng PSA Birth Certificates para makakuha sila ng passports. Nakakita si Manny ng isang Facebook page kung saan maaaring mag order ng mga kopya ng PSA Birth Certificates. NSO Help Online ang pangalan ng serbisyo at sa halagang P350 bawat isa, maide-deliver na sa iyo ang mga documents. Hindi na nagdalawang isip pa si Manny at dito na nga siya nag order.

Nag fill-out siya ng online order form at sinabihan ng ka-chat niya sa NSO Help Online Facebook page na ipadala ang bayad sa Cebuana Pera Padala at ipangalan sa isang Ronald Guevarra. Umabot ng P700 ang orders ni Manny para sa dalawang birth certificates. Dalawa hanggang tatlong araw lang daw ay matatanggap na nila ang mga documents.

Ngunit sa kasawiang-palad, walang natanggap na birth certificates si Manny. Sinubukan niyang mag follow up sa Facebook page pero hindi na siya sinasagot. Na-realize ni Manny na hindi lehitimong serbisyo ang NSO Help Online. Sa kanyang research, nadiskubre niya na kinopya lang ng NSO Help Online ang mga logo at images ng NSOHelpline (ngayon ay PSAHelpline.ph) – isang serbisyo na authorized ng NSO (ngayon ay PSA) na tumanggap ng orders at mag deliver ng mga birth certificates.

Hindi na nabawi ni Manny ang naipadalang pera sa mga bogus operators ng NSO Help Online. At kahit na anong follow up pa ang gawin niya sa Facebook page, hindi na siya kailanman binalikan ng kausap niya.

Dahil nadala na si Manny sa online transactions, pinili niyang tumawag sa hotline ng PSAHelpline.ph para sa kaniyang birth certificate orders. Makalipas ang dalawang araw mula nang siya ay magbayad sa Metrobank, natanggap na nila ang kanilang mga birth certificates.

Para sa impormasyon nating lahat, narito ang link para makita ang NSO Help Online, ang nagpanggap na nagde-deliver ng PSA birth certificates.

Iwasang maging biktima ng online scamming. Kung balak mong mag transact online, ugaliing mag verify ng mga importanteng detalye tulad ng website pages, landline numbers, at partner companies. Maging sensitive din lalo na sa mga payment options na kanilang ibinibigay; ang mga lehitimong serbisyo ay kadalasang may corporate bank accounts at partner payment centers – hindi ka pagbabayarin sa personal bank accounts at money remittance centers basta-basta.

Marami nang proseso ang pinasimple ng teknolohiya at social media, ngunit marami din ang gumagamit nito para manamantala ng kapwa. Kaya’t kailangang maging mapanuri at maingat sa lahat ng transactions na gingawa natin online.

Ingat!