Nagkakilala sina Robert at Malyn sa Isabela. Nagta-trabaho noon sa provincial hospital si Malyn bilang isang nurse habang hinihintay ang resulta ng application niya bilang caregiver sa London. Si Robert naman ay sundalo ng Philippine Army at nasa Isabela para sa isang operation. Sa umpisa pa lang ay inamin na ni Robert ang kaniyang trabaho kay Malyn; na hindi siya pirmihan sa isang lugar at madalas ay isinasabak sila sa mga military operations kung saan hindi sila sigurado kung makakauwi pa silang buhay sa kanilang mga pamilya.
Hindi nagtagal at nagkapalagayan ng loob ang dalawa. Bago natapos ang unang taon ng assignment ni Robert sa Isabela, ipinakilala na ni Robert si Malyn sa kaniyang mga magulang, pati na ang plano nilang mag pakasal kapag pareho na silang naka ipon.
Masaya ang naging pagsasama nina Robert at Malyn hanggang sa dumating ang araw na kailangan nang bumalik ni Robert sa Manila para sa bago niyang assignment. Mahirap para kay Malyn na mahiwalay kay Robert lalo na’t alam niyang walang katiyakan ang kaligtasan nito sa kaniyang trabaho. Nangako naman si Robert na madalas siyang tatawag at mag-email kay Malyn para ma-update niya ito sa kaniyang kinaroroonan. At pag may pagkakataon, dadalawin niya itong muli sa Isabela.
Sinubukan ng dalawang mabuhay na magkahiwalay. Si Robert ay na-assign sa Mindanao habang si Malyn ay patuloy sa kaniyang trabaho sa Isabela. Mahirap sa umpisa ngunit sa kalaunan ay nasanay din sila. Pareho nilang pinanghahawakan ang pangarap na balang araw ay magpapakasal sila at hindi na kailanman mag hihiwalay. Tinupad naman ni Robert ang pangako niyang regular na dadalaw kay Malyn sa Isabela kapag wala siyang assignment.
Isang araw, nakatanggap ng tawag si Malyn mula sa commanding officer ni Robert. May naka engkwentro ang grupo nila Robert habang papunta sila sa isang liblib na barrio para maghatid ng relief goods. Isa si Robert sa mga malubhang nasugatan sa engkwentro at ngayon ay nasa ospital. Dali-daling nag pasya si Malyn na bumyahe papuntang Mindanao para makita ang kasintahan. Abot-abot ang dasal niyang sana ay abutan pa niya ito at maka-usap man lang.
Laking gulat ni Malyn nang pag dating niya sa ospital ay sinalubong siya ng mga kasamahan ni Robert sa military at sinabihang magbihis ng puting damit na naka handa na para sa kanya. Inayusan siya ng mga sundalong babae, nilagyan ng kaunting make-up, binigyan ng bouquet, at nilagyan ng simpleng belo sa ulo. Nais daw ni Robert na makasal na silang dalawa sa lalong madaling panahon, habang buhay pa siya at nakakapag salita pa.
Hindi mapigil ni Malyn ang maluha nang makita ang kalunos-lunos na sitwasyon ni Robert. Halos hindi makilala ang kaniyang mukha sa dami ng sugat nito. Hindi din niya maigalaw ang kaniyang mga binti dahil sa isang malalim na sugat sa kaniyang balakang. Kailangan pa daw ng therapy bago siya makalakad muli. May tubig din ang baga ni Robert at hirap siyang huminga. Nalaman ni Malyn na sa oras na hindi na kayanin ng baga ni Robert ang kumplikasyon, maaari siyang mamatay.
Ikinasal ng commanding officer sina Robert at Malyn sa ilalim ng tinatawag na Articulo Mortis. Ginagawa ito para sa mga katulad ni Robert na nasa bingit ng kamatayan ngunit nais na tuparin ang kaniyang pangakong pakakasalan ang kaniyang kasintahan. Wala nang panahon para mag submit sina Robert at Malyn ng mga papeles para sa pagpapakasal tulad ng CENOMAR, Birth Certificate, at marriage license. Ngunit dahil Articulo Mortis ang kanilang pagpapakasal, hindi na sila required mag submit nito.
Dalawang linggo matapos makasal, binawian na din ng buhay si Robert dahil sa mga kumplikasyon sa kanyang mga tinamong sugat. Ngunit namayapa siyang masaya dahil natupad niya ang ipinangako niyang kasal sa babaeng pinakamamahal niya.
Lumipad na din patungong London si Malyn para mag trabaho bilang isang nurse. Pinili niyang gamitin ang apelido ni Robert sa kaniyang passport at iba pang dokumento. Dala niya ang mga masasayang ala-ala nila ng kaisa-isang lalake na minahal niya at minahal siya hanggang kamatayan.