May Cenomar Ako.jpg

Twenty years nang namumuhay bilang mag-asawa sina Alan at Jen (not their real names). Nakatira sila sa isang bahay at may dalawang anak. Teacher si Jen habang si Alan naman ay walang pirmihang trabaho; mas madalas na nasa bahay, nag-aalaga ng mga bata. Nangarap din sila ni Jen na makapag pakasal noon pero dahil naunahan ng pag dating ng mga bata ang kanilang mga pangarap, naisantabi na lahat ng mga plano at nag focus na lang silang dalawa sa pagpapa-aral at iba pang gastos ng isang maliit na pamilya.

Nakasumpong ng maayos na trabaho si Alan sa isang call center. Dito nag-umpisang umayos ang kabuhayan nilang mag-anak dahil natutulungan na niya si Jen sa mga gastos. Inako na niya ang pagpapa-aral sa dalawang anak. Ngunit ang naging kapalit nito ay ang mas madalas naman niyang pag-uwi ng wala sa oras at kalaunan, maswerte na kung makabuo siya ng isang buong linggo na sa bahay siya natutulog.

Nakumpirma ang kintatakutan ni Jen na may ka-relasyon nang iba si Alan nang minsang makakita siya ng text message sa cellphone nito mula sa isang “Debbie”. Nang sitahin niya si Alan, inamin nito na girlfriend na nga niya si Debbie at mahal niya ito. Halos gumuho ang mundo ni Jen nang marinig niya ang pag-amin ni Alan. Hindi niya akalain na magagawa siyang lokohin ng taong pinag katiwalaan niya – may dalawa silang anak at tanging kasal na lang ang kulang sa kanila – papano siya nagawang lokohin nito?

“Binata ako, dalaga si Debbie. Walang masama sa ginagawa namin. Hindi ko naman ihihinto ang suporta ko sa mga bata.” Ito ang huling salita ni Alan sa kaniya bago ito umalis ng bahay dala ang lahat ng kaniyang mga damit.

Sa pagbabalik-tanaw ni Jen sa naging buhay nila ni Alan, naalala niya na maraming beses niyang tinanong noon si Alan kung siya ba ay binatang talaga. Noon kasing nanliligaw sa kanya si Alan, binalaan si Jen ng kaniyang mga kaibigan na alaming mabuti kung binata ba talaga ito dahil kilala siyang palikero sa lugar nila.

“May CENOMAR ako, Jen. Binata ako.” Yun lang ang kinailangan niyang marinig mula kay Alan.

Sa pag lipas ng panahon, nalaman ni Jen na hindi lang si Debbie ang bagong babae sa buhay ni Alan. Meron pang number 3 at number 4 (number 2 si Debbie). At sa palagay ni Jen, ang lahat ng mga babaeng ito ay nahulog sa mabulaklak na linya ni Alan na: “May Cenomar ako…”.

Ang CENOMAR ang patunay na ang isang tao ay hindi pa nakasal at malayang makapag pakasal sa tulad niyang may CENOMAR din. Ito ang ginamit ni Alan para mapasagot ng “Oo” si Jen, sumama sa kanya, at bumuo ng pamilya. Ito din ngayon ang ginamit ni Alan para makalaya sa buhay nilang dalawa ni Jen nang makatagpo siya ng iba.